“Sa tingin mo kaya, balang araw magiging tayo?” Tinanong niya minsan sa akin.

Malapit nang maghating gabi noon. Magdamag na akong gising, nagbabasa ng mga report na kailangan kong ipresent sa boss ko sa darating na linggo. Oo, sinimulan ko na. Para hindi na ako mapraning sa araw mismo.

Napatigil ako sa paghigop ng aking kape at napatingin sa cellphone kong naka-loud speaker.  Halos kalahating oras na rin kaming naguusap. Daan daang kilometro ang paglalayo sa amin pero parang wala itong agwat. Parang nasa kolehiyo pa rin kami na isang dura lang ang layo ng tinutuluyan namin sa isa’t-isa.

Si Gags. Short for gago. Tunay na pangalan, Jonathan. Ang corny, sabi niya. Parang pangalan ng santo o isang karakter sa Bibliya. Kaya tinawag ko na lang siya na Gags. Mas bagay.

Sanay na ako sa panglandi niya. Sa mga tanong niyang may ibang kahulugan. Sa mabeberde niyang pagbibiro. Sa pangaasar niya sa kanyang sarili sa harap ko.

Siguro dahil gabi na noon. Sabi nila, mas nagiging honest daw ang mga tao pag gabi na. Pag pagod na. Pag inaantok na.

Pero ngayon lang siya nagtanong na ganito ang tono ng boses. Yung parang… seryoso. Seryosong gustong malaman ang sagot. Hindi naman sa seryoso niyang iniisip ang posibilidad, sa tingin ko, pero seryosong curious lang. Na siguro kung mabubuhay ulit kami sa isang panibagong mundo, sa halip sabihin sakanya noong gabing iyon, napakaraming taon na ang nakalipas, na lasing siya, hindi niya alam sinasabi niya, at makakatulog na sya–ay hahalikan ko na lang din siya at aamining minsan pag ngumingiti siya hindi ako makatingin sakanya, na minsan pag naglalakad siya ng walang t-shirt sa apartment ko hindi ako mapakali. Na merong panahon sa buhay ko na siya ang una kong iniisip pagkagising ko at huli kong naalala bago ako matulog.

Sa tanong niya, seryosong sagot lang din ang nararapat.

“Tingin ko, hindi.”

Tumingin ako sa bintana ng aking condo at humigop muli sa baso ko ng kapeng matagal ng lumamig dahil sa aircon. Hindi naman pwedeng hindi mag-aircon.

Sandaling may katahimikan sa kabilang dulo bago siya sumagot.

“Bakit naman?”

“Kasi para kang Maynila.”

“Ha?”

Binaba ko ang kape ko at tinitigan ang mga minuto sa screen ng cellphone. 35:08.

“Natatandaan mo ba noong umiyak ako sa graduation natin? Di ba sabi ko sayo hindi ‘yon dahil hindi ko na makikita panget mong mukha pero dahil hindi ko na ulit araw-araw malalanghap ang sariwang hangin na nanggagaling sa mga puno? Na hindi ko na ulit magagawang maglakad lakad lang tumingala sa kalangitan at makakita ng purong asul?”

Natawa ang Gags. “Ang gwapo ko kaya. Pero ano naman punto mo?”

“Para kang Maynila.” Inulit ko. “Magulo, madumi, mabaho. Madaming baho. Madaming kalokohan. Madaming bullshit. Crowded. Nakakaliyo. Nakakaexcite. Sa dami ba naman ng bars at clubs, ng mga malls, museum at restaurant. At minsan pag gabi na, grabe, ang ganda ng skyline. Ang ganda ng view mula dito sa balcony ko. To the point na parang ang sarap maniwalang laging ganito kaganda ang Maynila. Puro ilaw na nagmimistulang bituin ang buong siyudad. Sapat na para makalimot na dapat nga pala ang bituin ay nasa langit. Tapos kapag malayo ka dito, parang tinatawag ka. Kasi nandito lahat ng kailangan mo. Nandito ang pera at ang excitement. Dito nagkakatotoo ang mga pangarap. At laging may bagong nangyayari araw-araw.”

Sa sobrang tagal kong nagsasalita napatingin ako sa cellphone ko. Andun pa din siya. Walang imik pero naririnig ko ang bawat paghinga niya. Naiimagine kong galing siya sa trabaho, nakahiga na sa kama at nakatingin sa kisame habang nakaandatay ang cellphone sa may balikat.

Ang dami kong sinabi pero tanong lang binalik niya sa akin. “Saan mo pala gusto tumira kung hindi sa Maynila?”

Anong klaseng tao pala ang hinahanap mo kung hindi katulad ko?

Gusto ko ng lugar na katulad ng Los Banos, Jonathan.” Marahan kong sinabi. “Hindi nagbabago. Malinis. Tahimik. Payapa. Maganda. Oo, boring. Oo, yun at yun na lang araw-araw. Pero gusto ko ng ganoon. Ayoko ng gulo. Ayoko ng maingay na buhay. Dito sa Maynila, lahat ng tao araw-araw sumusugal. Pwedeng manalo sila at makuha lahat ng gusto nila–o matalo sila at mawala sa kanila ang lahat. Kaya may BGC. Kaya may Tondo. May dalawang tadhana ang mga nagpupunta sa lugar na ito. Hindi ganoon kakapal ang linyang naghihiwalay sa dalawang tadhana na ito.”

Pwede mo akong mapasaya ng sobra-sobra. Pero pwede mo din akong saktan ng sobra-sobra, ang hindi ko sinabi. Hindi ko i-tatake ang risk na yon sayo, gusto kong sabihin. Dahil mahalaga ka sa buhay ko bilang isang kaibigan.

Pero pinigilan ko ang sarili ko. Dahil pag sinimulan ko yon, hindi ko maiiwasang ituloy: Ayokong matulad sa mga tinuhog mo at iniwan mo sa ereng wasak na wasak, nagpapakatanga para sayo. Nagmamakaawang bumalik ka.

“Pia.”

“Oh?”

“Gaano ka katagal tumira sa Los Banos?”

“Apat na taon.”

Gaano ka katagal tumira sa Maynila?”

“Pitong–”

Napatigil ako.

“Natanggap ka ba sa dream company mo?”

Oo. Alam niya yon.

“Nagkaroon ka ba ng maraming kaibigan?”

Napatingin ako sa mga polaroid na nakadikit sa salamin ko malapit sa kama. Mga litrato ng mga baliw na magagandang babaeng nasa kalagitnaan ng paghalakhak sa Route 196 noong gig ng Oh Flamingo, ng isang engagement party ng isang officemate sa sosyaling restaurant, at marami pang iba.

“Nakatira ka ba sa magandang condo?”

Oo. Isa sa goals ko sa buhay ang makabili ng sarili kong condo. Sobrang lapit sa office. Maganda. Madaming facilities. Secure.

“Anong point mo?” Medyo naiinis kong sinumbat.

“Pia, miserable ka ba talaga sa Maynila?”

Madumi, magulo, maingay, mabaho.

“Gags, kailangan ko na tapusin tong mga report na to.”

“Ayan ka na naman.”

“Seryoso.” Tumawa ako. “Sige ibababa ko na to.”

“Pia.”

Tama na. Wag mo na sabihin ang pangalan ko.

“Pia.” Napabuntong-hininga siya. “Sige. Tapusin mo na yan.”

“Okay. Thanks.” Teka? Bakit ako nagpapasalamat? “Sige. Bye.”

“Pia.”

Ang daliri ko lalapat na sana sa end call.

“Kung sakaling hindi mo napansin,” Tinuloy niya. “Minahal ka ng Maynila.”

Binaba niya ang linya.

At iniwan akong nakatulala, iba ang naririnig.

Minahal kita, Pia.

Tinignan ko ang mga reports, ang kape ko at ang cellphone ng ilang sandali. Tumayo ako, dinala ang baso sa lababo at iniwan iyon don. Pinatay ko ang ilaw at dumiretso sa kwarto ko para magtago sa ilalim ng makapal kong kumot at malalaki kong unan.

 

photo by Jericho Dris